Filipino martial arts ibinabahagi ng isang Lakan sa bagong henerasyon
Ang Arnis o Eskrima ay isang uri ng martial arts na kilalang nagmula sa Pilipinas.
LITRATO: COURTESY: FILIPINO CENTRE TORONTO
Rodge Cultura Ipinost: Marso 3, 2022 14:47
Dalawang oras na nagtitipon-tipon sa The Filipino Centre Toronto tuwing Linggo ng hapon ang isang grupo para matutunan ang Eskrima o Arnis. Kilala ang Arnis, tinatawag din na Kali, na isang uri ng Filipino martial arts na ang karaniwang sandata ay yantok.
Hinahatid ng kanyang magulang si Kyled Ace Evangelista tuwing Linggo para daluhan ang kanyang klase sa Filipino Martial Arts.
Si Kyled Ace Evangelista ay may hawak na black belt sa Taekwondo pero nais pa nito matuto ng Filipino Martial Arts.
LITRATO: LEO OREA
Tatlong buwan na nagsasanay ang 11-anyos na si Kyled Ace sa Arnis. Naka-black belt na siya ng Taekwondo class. Gusto niya makita 'yung ibang techniques din sa martial arts, sabi ng ina ni Kyled Ace na si Milarosa Evangelista.
Karamihan sa sistema ng Arnis ay gumagamit ng isang set ng teknik sa patpat, punyal o libreng kamay. Ang isang arnisadores ay karaniwang gumagamit ng baston o yantok. Ito ay galing sa rattan na matibay at magaan. Hindi ito natitipak kaya mas ligtas na gamitin kaysa sa ibang uri ng kahoy.
Iyong arnis kinse teros kasi po may 15 angular strike. Kaya, may sinabing kinse teros, angular strike, sabi ni Leo Orea.
Bihasa sa Arnis Kinse Teros si Leo Orea na hawak ang ranggong Black Belt Lakan Lima.
LITRATO: LEO OREA
Itinuturo ni Orea, may ranggong Lakan 5, ang ARMADO Kinse Teros sa kanyang mga estudyante. Ang ibig po sabihin ng armado kinse teros. Ang AR, armado, ibig sabihin may sandata. Ang MA, 'yan po ‘yong mano-mano, ‘yan naman po ang hand-to-hand combat ng Filipino martial arts. Tapos ‘yong DO'yun naman ang paraan, itinuturo ang pamaraan sa istilo. Nandoon po ‘yong dumog at take down. Ang Arnis ay ekstensyon ng iyong mga kamay, mga paa, at ng iyong pag--iisip, paliwanag ni Orea.
At dahil ang sandata ay nagsisilbing ekstensyon ng katawan, pareho ang mga itinuturo sa anggulo at galaw ng paa may ginagamit na sandata man o wala.
At ito rin ay extension sa iyong paglapit para maging aware po kayo sa inyong opponent at sa paligid para maging defensive. Ang depensa po ay mas mabuti kaysa sa opensiba. At ang depensa ay nakaliligtas ng maraming buhay, sabi ni Orea.
Dekada nobenta ng nagkampeon sa contact sports bilang karatista si Orea sa iba’t-ibang torneyo sa Pilipinas at maging sa Gitnang Silangan.
Ginugol niya ang kanyang sarili para matuto at maging bihasa hanggang sa naging tagapagturo siya ng Arnis. Ang ano po kasi ng Filipino martial arts, ito ay kabaliktaran kung ikumpara sa ibang martial arts. [Ito] ay mula weapon phase bago ang empty-hand. Ang ibang martial arts nagsisimula sa empty-hand saka na ang weapon, paglilinaw ni Orea. Kapag expose ka sa laban maituturo mo talaga ‘yong tama at ma-eliminate mo 'yung mali. At saka pwede mong ipokus sa training. Alisin mo lang ‘yong pwede kunin mo lang ‘yong maganda.
Ang mga estudyante ng Arnis ay umpisang natututo sa pakikipaglaban gamit ang isang sandata at nagpapatuloy sa empty-hand training kapag bihasa na sa mga teknik gamit ang patpat o ibang sandata. Kabaliktaran ito sa ibang kilala na martial arts sa Asya.
Ang Arnis na nagmula sa Pilipinas ay pormal na kinilalang national sport at martial arts matapos aprubahan sa bansa ang Republic Act No. 9850 noong Disyembre 2009.
Nasa edad 6 na taong gulang pataas ang mga tinuturuan ng Filipino martial arts nina Leo Orea at Michael Rivera.
LITRATO: LEO OREA
Ang pinaka-konsepto na naiiba sa Filipino Martial Arts (FMA) ay ang libreng kamay. Kahit pa ang Arnisadores ay may hawak na isang sandata, ang ekstra na kamay ay ginagamit para kontrolin, ibitag o alisin ang sandata ng kaaway at nakakatulong din sa pagsangga, pangkasa o kaya pagmanipula sa galaw ng kaaway.
Natanggap na ni Kyled Ace ang yellow belt sa kanyang patuloy na pagsasanay mula sa pagiging baguhan. Sinusuportahan ko siya dahil interesado talaga siya. Nakita ko 'yung motivation niya. At saka 'yung push talaga na gustong-gusto niya. At para sa defense din 'yun paglaki niya. At balang araw, para magturo din siya ng cultural martial arts para sa Filipino community dito sa Canada, sabi ng ina na si Milarosa.
Nasa edad 6 taong gulang ang pinakabata na estudyante ni Orea sa kanyang klase na hinati sa magkaibang pangkat. Pero paglilinaw niya walang piling edad, bata at matanda, ang kanyang klase para sa mga interesado matuto. Ang Arnis umano ay isang magandang pang-ehersisyo.
Kasama ni Orea na nagtuturo ng Filipino Martial Arts class si Michael Rivera. Ginaganap ito sa bahagi ng Scarborough sa Toronto mula alas-kuwatro hanggang alas-sais ng hapon tuwing Linggo.
Maliban sa Arnis ay ibinabahagi rin nila ang kaalaman sa Kobayashi Shorin Ryu na sistema ng karate.
Click here for the original article.
Comments